Saturday, June 20, 2009

KULTURA AT PANITIKAN

“The Flower Carrier,” painting ni Diego Rivera.(Mula sa moderato.wordpress.com.)
Sa introduksiyon naman niya, sinuri ni Tolentino ang dagli sa konteksto ng kasaysayan – noon at ngayon – ng ekonomiyang pampulitika, kultura at panitikan ng bansa. Ipinakita niya kung paanong may halaga sa ating mga mambabasa sa kasalukuyan ang mga dagli at ang mga daloy na pang-ekonomiya, pampulitika, pangkultura at pampanitikan na lumalagos – pumapaloob at humihigit – dito. Maraming matatalas na punto rito, tampok ang malinaw na paglulugar at pag-ugat sa kaayusang kolonyal ng pagkapawi sa dagli. Malinaw din niyang nilagom ang pangkalahatang katangian ng pormang ito ng pagsulat.
Sabi ni Tolentino, walang pagpapanggap ang dagli na unibersal ito. “Ang halaga nito ay sa araw ng kanyang paglabas at ang lipunan ng madlang tumatangkilik nito. Kaya walang dagli sa kanon ng panitikang Filipino… gayong ito ang naging teknolohiya ng integrasyon ng print-oral na repersepsyon sa mundo sa panahon ng matinding agam-agam.” Kailangang ihabol, gayunman, na idinidiin nito ang partikular na katangian ng “kanon” ngayon. Sabi nga ni Fredric Jameson, kaya nilang angkinin o i-coopt – nila: ng imperyalismo, naghaharing mga uri, Estado – ang lahat, maliban sa kanilang pagkatalo.
Hindi ang pagtatanghal ng mga dula ni Bertolt Brecht sa harap ng burgesya, halimbawa, ani Jameson, kundi sa harap ng mulat at militanteng mga manggagawa. Tambalan ng dalawang wikang hindi pang-araw-araw ang laman ng libro: ang malalim na Tagalog ng mga sumulat ng dagli, at ang apropriasyon ng wikang Ingles at akademiko sa layuning progresibo nina Tolentino at Atienza. Hindi sila masisi: Tutal, libro – anyong hindi umaabot sa nakakarami – ang inilathala nila. Pero madali pa ring angkining ambag sa pagkilos ng sambayanan para sa kalayaang pambansa at panlipunan ang libro nila.
Nasa mambabasa na ang tungkulin, na mag-ambag sa pagbago sa lipunang pumaslang sa popular na dagli at kumukupot sa pagbuhay nito ngayon sa makitid na sirkulo ng panggitnang uri.

1 comment:

  1. Kamangha mangha talaga galing ng pilipino lalo na sa pag susulat at arts!!! Sakit.info

    ReplyDelete